Thursday, 15 September 2016

San Juan (Talambuhay)

Si San Juan o San Juan Apostol, ay isa sa Labindalawang Alagad ni Hesus. Kilala rin siya bilang tagapagpalaganap ng mga aral ni Hesus sa kanyang ebanghelyo. Kapatid ni San Santiago si San Juan at isa ring mangingisda. Maaaring alagad din siya ni Juan Bautista bago naging apostol ni Hesus. Tinatawag siyang “ang alagad na minamahal ni Hesus.”
Kasama sina San Pedro at San Santiago, nasaksihan nila ang muling pagbuhay ni Hesus sa anak ni Jairus, ang Pagbabagong-anyo ni Kristo, at ang pagdarasal sa Hardin ng Getsemane. Sa kanya inihabilin ni Hesus si Maria nang ipako Siya sa krus. Sa kanya nakapangalan ang ika-apat na ebanghelyo, ang tatlong liham sa Bagong Tipan at ang libro ng Mga Pahayag. Ayon sa mga tala, nanirahan siya sa Ephesus hanggang sa mamatay sa gulang na isang daan.
Si San Juan ang Alagad o San Juan Apostol. Karaniwang inihahambing siya kay Oseas, ang propeta sa Lumang Tipanng Bibliya. Kung si Oseas ang siyang "propeta ng pag-ibig," si San Juan ang Alagad ang tinatawag namang "santo ng pag-ibig."Isa siyang mangingisda, na kapatid ni Santiagong Matanda; mga anak sila ni Zebedeo. Siya ang may-akda ng ikaapat na ebanghelyo, ang Ebanghelyo ni Juan, na nasa Bagong Tipan ng Bibliya, kaya nga kilala rin siya bilang Juan ang Ebanghelista. Bukod sa pagiging Juan ang Banal at Juan ang Teologo, siya rin ang "ang alagad na minamahal niHesus."
Itinuring siyang isang teologo sapagkat may natatanging katayugan ang kaniyang mga naisulat, na may iisang layunin: ang pagpapatunay ng pagiging Diyos ni Hesukristo. Una siyang naging alagad ni Juan Bautista bago napabilang salabindalawang alagad ni Hesus. Siya ang apostol na "humilig sa dibdib ng Panginoon Hesus." Naging kinatawan siya ng mga espirituwal na mga anak ng Birheng Maria. Bukod sa Ebanghelyo ni Juan, si San Juan rin ang kinikilalang sumulat ng Mga Sulat ni Juan at ng Aklat ng Pahayag (o Apokalipsis) na kapwa matatagpuan din sa Bagong Tipan ng Bibliya. Isinulat niya ang kaniyang ebanghelyo noong mga 95 hanggang 100 sa panahon ni Nerva. Ito ay pagkaraang makabalik siya sa Efesomula sa pagkakatapon sa kaniya ni Domiciano sa pulo ng Patmos. Dahil sa pagkakatapong ito sa Patmos, tinatawag din siyang Juan ng Patmos. Sinulat niya ang Aklat ng Pahayag habang nasa pulo ng Patmos noong mga 81 hanggang 96, kaya mas nauna niyang inakdaan ang Aklat ng Pahayag kaysa kaniyang ebanghelyo.
Isang katangian ng kaniyang ebanghelyo ang pagiging kronolohiko o ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari at panahon. Sinikap din ni San Juan na mailagay sa Ebanghelyo ni Juan ang mga bagay na hindi mababasa sa ibang mga ebanghelyo ng Bibliya.

Pinagmulan

Mas nakababatang kapatid ni San Santiago si Juan. Si Salome ang kanilang ina at si Zebedeo naman ang kanilang ama. Kaanak ni Salome, tinatawag ding Maria, si Maria na ina ni Hesus.
Ipinagpapalagay na gaya ni Santiago, walang natanggap na pormal na pagsasanay si Juan mula sa mga paaralang Hudyo upang mangaral. Subali't may kaya ang kanilang pamilya dahil sa pagiging mangingisda ni Zebedeo sa Lawa ng Galileo at may mga taong nangingisda para sa kanya. Ordinaryong pamilya silang may ordinaryong edukasyon gaya ng ibang mga Hudyo.
Madalas nilang nakakausap ang mga Griyego na madalas mangisda sa Dagat ng Galileo kaya natutuhan nila ang kanilang wika at pamumuhay.

Pagiging Alagad

Sinasabing naging alagad muna ni Juan Bautista si San Juan bago tinawag ni Hesus. Ayon sa Ebanghelyong kanyang inakda, noong panahong biniyagan ni Juan Bautista si Hesus, nakita Niya ang dalawang magkapatid na sina Simon at Andres, at matapos ay inanyayahan Niyang sundan Siya ng mga ito Galilea. Matapos nito, nakita Niya naman ang magkapatid na sina Santiago at Juan kasama ang kanilang amang si Zebedeo sa isang barko. Nang tawagin Niya ang dalawa, agad din silang tumalima at iniwan ang kanilang mga lambat at ang kanilang ama at sinundan si Kristo.
Ipinagpapalagay na nakausap nila ng kababayan nilang si Pedro kung kaya't naniniwala na silang si Hesus ang Kristo, hanggang sa nakita nila ang mga marka ng kanyang pagiging banal at tinalikuran nila ang lahat para sundan si Hesus.
Walang pag-aalinlangang tumalima ang magkatapid na hinayaan naman ng kanilang amang si Zebedeo. Naging deboto rin ni Hesus ang kanilang inang si Salome.
Kasama siyang nakasaksi sa pagpapalit-anyo ni Hesus, muling pagbuhay sa anak ni Jairus at sa pagdarasal sa Hardin ng Getsamani. Siya ang tanging alagad na nanatili sa paanan ng krus nang ipako si Kristo. Sa kanya inihabilin ni Hesus si Maria nang ipako Siya sa krus hanggang sa pagbaba nito kung saan tinulungan niya si Maria, at matapos ay nilinisan ang katawan ng kanyang mga luha at hinalikan nang may buong pagmamalasakit at pagmamahal.

Mga Gawain

Sa huling paglalakbay patungong Herusalem, lumapit si Salome kay Hesus at sinabi sa Kanya: “Ipagutos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian” (Mateo 20:21). Nakiayon ang dalawang magkapatid sa nais ng kanilang ina nang hindi nalalaman ang espiritwal na kahulugan ng Kaharian ng Mesiyas, at sa kanilang pagsasabing handa silang uminom sa sarong na pag-iinuman ni Kristo at mabinyagan ng Kanyang paghihirap, sinabi sa kanila ni Hesus na sila rin ay magdurusa.
Matapos ang Pag-akyat sa Langit ni Hesus, nagsimulang magpagaling sina San Juan at San Pedro sa templo. Kinulong sila at pinakawalan sa kundisyong hindi na sila mangangaral ng tungkol kay Kristo. Subali't hindi sila natinag at ipinagpatuloy ang pangangaral. Muling nahuli ng mga Hudyo si Juan at iba pang mga disipulo, at pinagpasakitan sila; at nasiyahan sila sa sakit na naranasan para sa pangalan ni Hesus.
Matagal nanatili si Juan sa Herusalem pero nangangaral din siya sa ibang bansa gaya ng Parthia, Persia, at ibang mga teritoryo sa Asya Menor. Sinasabi ring binuhay ni Juan ang isang patay sa Ephesus noong taong 192. Sa mga pagtugis sa mga Kristiyano noong taong 95, dinakip si Juan ng prokonsulado ng Asiya at pinadala sa Roma kung saan siya itinapon sa kawa ng kumukulong mantika, bilang panlilibak sa sinabing siya rin ay iinom sa sarong ni Kristo. Himalang nakaligtas dito si Juan at ipinatapon siya sa Patmos kung saan nagkaroon siya ng mga pangitain at isinulat niya ang Mga Pahayag o ang Apokalipto.

Kamatayan

Sinasabing isang Linggo noon nang tipunin niya ang kanyang mga mananampalataya sa simbahang itinayo sa kanyang pangalan. Nagdasal siya roon nang buong taimtim at bumaba mula sa kalangitan ang liwanag at binalot ang kanyang paligid, at nang mawala ang liwanag, nawala rin si Juan. Ayon sa mga iskolar, hindi nakaramdam ng sakit ng pagkamatay si Juan.

San Bartolome


Si San Bartolome ay isa sa Labindalawang Alagad ni Hesus. Kaibigan ni San Felipe si San Bartolome. Ayon sa tradisyon, ipinahayag niya ang mabuting balita sa Ethiopia, India, Persya, at Armenya kung saan siya pinatay sa pamamagitan ng pagpupugot sa kanyang ulo. Walang ibang alagad ang nagpahayag ng paniniwala kay Hesus sa unang pagtatagpo nang gaya kay San Bartolome.
Si San Bartolome ay isang santo ng Romano Katoliko na naging kasama sa labindalawang alagad ni Hesus. Siya ang kaibigang hinikayat ni Felipe ng Betsaida, para maging isa rin sa mga orihinal na alagad ni Hesukristo. Natanael (Nataniel, Nathaniel, o Nathanael din) ang kaniyang dating pangalan, na anak ni Tal Mai (o Bar Talmai sa Hebreo). Pinaniniwalaang nagmula sa Bar Talmai ang katawagang Bartolome (Bartholomew sa Ingles), na naging bagong pangalan ni Natanael nang maging alagad siya ni Hesus.

Pinagmulan at Pagiging Alagad

Ayon sa mga iskolar, hindi Bartolome kundi Natanael ang pangalan ni San Bartolome. Bagama't nabanggit ang pangalang Natanael sa Ebanghelyo ni San Juan, mababasa naman ang kanyang pangalan sa mga sinoptikong kasulatan kasunod sa pangalan ni San Felipe na kanyang kaibigan. Ito ang nagpakilala sa kanya kay Hesus hanggang sa siya'y maging alagad din.
Kasama si San Bartolome nang magpakita ang Muling Nabuhay na si Kristo at naroon ding nagdarasal sa Pag-akyat ni Hesus sa Langit, at sa Pagpanaog ng Banal na Espiritu Santo upang bendisyunan sa kanilang gagawing pangangaral.

Mga Gawain

Matapos ang Pag-akyat ni Hesus sa Langit, nangaral ang mga alagad ng mga salita ng Diyos sa tulong ng Espiritu Santo. Nangaral si San Bartolome sa Asya Menor, Ethiopia, India at Armenya.

Kamatayan

Pinaniniwalaang namatay si San Bartolome sa Albanopolis sa Armenya kung saan siya pinugutan ng ulo at ipinako sa krus nang pabaligtad ayon sa utos ni Astyages matapos magingKristiyano ang kapatid nitong si Polymius na Hari ng Armenya.
Inilipat ang kanyang mga labi sa Simbahan ng San Bartolome sa Isla sa Roma. Sinasabing may ebanghelyo ring naisulat si San Bartolome noong sinaunang panahon.
Si Bartolome, na tinatawag ding Natanael ay naging misyonero sa Asya. Nangaral siya sa Turkey at siya ay pinatay dahil sa kanyang pangangaral sa Armenia sa pamamagitan ng pagpalo ng latigo. Si Andres naman ay ipinako sa isang hugis x na krus sa Greece. Pagkatapos na paluin sa katawan ng pitong sundalo, itinali nila ang katawan ni Andres sa krus upang patagalin ang kanyang paghihirap. Isinalaysay ng kanyang mga tagasunod na habang siya'y kinakaladkad patungo sa kanyang krus, sinasabi ni Andres ang ganito "Malaon ko ng hinihintay ang masayang sandaling ito. Ang Krus ay pinabanal ng Panginoong Hesu Kristo ng siya'y mabayubay dito." Nagpatuloy si Andres sa pangangaral sa mga nagpahirap sa kanya sa loob ng dalawang araw hanggang sa bawian siya ng buhay. Ang apostol naman na si Tomas ay sinaksak ng sibat habang siya'y nangangaral sa India sa isa niyang paglalakabay upang magtayo ng iglesia doon. Si Matias naman na pinili ng mga apostol na kapalit ni Hudas ay binato hanggang sa mamatay at pagkatapos ay pinugutan ng ulo. Si Apostol Pablo naman ay pinahirapan at pagkatapos ay pinugutan ng ulo ni Emperor Nero sa Roma noong AD 67. May mga tradisyon tungkol sa kamatayan ng iba pang mga apostol ngunit wala sa kanila ang mapagkakatiwalaan o sinusuportahan ng kasaysayan.